Monday, July 2, 2007

PANGARAP…………KAHAPON, NGAYON AT BUKAS

Lahat tayo ay may kanya-kanyang pangarap sa buhay. Ang magkaroon ng magandang kinabukasan at mamuhay ng matiwasay.

Bakit hindi mo subukang isulat ang iyong mga pangarap at unti-unting bigyan ng buhay at dalin sa katotohanan.

Ito ang aking kwento….kahapon ako'y nangarap, ngayon ang takdang panahon, bukas na walang hanggan…

KAHAPON…

Kahapon ako'y nangarap, ang pumunta ng ibang bansa at doon hanapin ang kapalaran. Marahil gawa na rin ng kahirapan na aking nakamulatan. Ako'y lumaki sa mundong salat sa maraming bagay. Subalit hindi ito naging hadlang upang ako ay mangarap bagkus ito ang naging hamon upang lalong magsumikap at harapin ng buong tapang ang mga hamon ng buhay.

Libre ang mangarap sabi nga ng marami. Doon, maari mo daw maabot ang mga bituin, maglakbay sa kung saan, maging ang iyong sinisinta maari mong makasama. Pangarap……pangarap……tunay ngang kay sarap mangarap.

Hindi dito natatapos ang gulong ng buhay. Hindi rin maaring mangarap na lamang ako habang buhay. Alam kong hinihintay ako ng aking kapalaran, kapalaran na magbibigay buhay sa mga pangarap na aking nalikha, ang tanging kailangan lamang ay bigyang kulay at pagpapahalaga. Alam kong sa takdang panahon at sa kalooban ng Amang Maylikha, ang munting pangarap ay magiging sa katotohanan.

NGAYON...

Ngayon dumating na ang panahon upang bigyang kulay at buhay ang aking mga pangarap. Handa na akong harapin ang aking kapalaran. Ang munting pangarap ay unti-unit ng umuusbong at patuloy na yumayabong. Sa tulong ng Amang Maylikha, ang makarating sa ibang bansa ay dumating na. Panibagong buhay, mas malalaking hamon, mga pagsubok at pangungulila sa pamilya ito ang mga hinaharap ko ngayon dito sa Gitnang Silangan.

Akala ko ng ako'y musmos pa lamang na masarap magtrabaho sa ibang bansa. Ang kumita ng malaki at masunod ang luho sa buhay. Subalit sadyang napakahirap, ang malayo sa pamilya at mamuhay mag-isa. Dala ng kahirapan sa bansang kinalakhan napipilitan ang karamihan na lumayo sa kailang mga minamahal. Maaring mas maganda ang buhay na kinapuntahan ng iba subalit hindi lahat, at masasabi ko na isa ako sa pinalad. Kahit na hindi ganun kalaki ang sahod, maganda naman ang kompanya at pakikisama ng mga amo ko.

Masakit isipin na nag-iiba ang pagtingin ng mga taong mababaw ang pang-unawa. Pag sinabing ikaw ay galing ng ibang bansa, mayaman ka na sa lahat ng bagay pero lingid sa kanilang kaalaman ang mga hirap na pinagdaanan upang masaganang buhay ay makamtan.

Ito lamang ang pinangako ko sa aking sarili, na manatiling mababa at huwag mapagmalaki, ang lumingon sa pinanggalingan at magpasalamat sa kung ano ang nakamtan.

BUKAS…

Sa bawat paglubog ng araw kasabay ng mabagal na takbo ng oras, ako'y patuloy na nangangarap at umaasang pagdating ng bukas buhay na pinapangarap ay aking makamtan. Simple lamang, ang maiahon sa hirap ang aking mga magulang at mabigyan ng magandang buhay…..buhay na puno ng pag-asa at pagmamahal.



***maraming salamat sa pagbasa……maaring masasabi mong ang aking nailathala ay katawa-tawa o korni……pero tanong ko lang kaibigan……May pangarap ka ba sa buhay? Subukan mong suriin ang iyong sarili……hangang sa muli……


PANGARAP……KAHAPON, NGAYON AT BUKAS
By: KIKO d' Great
02 Hulyo 2007 // 8:49 am

No comments: