Friday, April 4, 2008

Kapatid...Kaibigan...Kasangga...

Tatlong salita na tumutukoy sa isang pangalan, si KIKO.

Isang klase ng aso na mas matalino pa sa tao. Tunay ngang kahanga-hanga ang aming itinuring na bunsong kapatid.

Nakasama ko si KIKO sa aming Summer Practicum ng YCSC sa Brgy. Sta. Isabel, Cabiao, Nueva Ecija, taon Mayo 2001. Siya ay alaga ng anak ng aking kasamahan na si Ate Karen. Siya ay maihahalintulad mo sa isang “Teddy Bear”. May maamong muka at tunay nga namang sobrang kulit. Simula noon, ako na ang nag-alaga sa kanya. Araw-araw ko siyang pinapaliguan na parang bata. Kaya kahit tumatabi siya sa pagtulog di kami natatakot sa pulgas. Natural sa isang batang aso na makati ang bibig. Halos lahat na yata ng gamit namin nasira niya at kung alin pa ung paborito mo un ang sisirain nya. Tulad din ng isang bata, di pa niya alam ang kanyang ginagawa. Kailangan mong turuan ng dahan-dahan hanggang sa matuto. Sa tamang paraan at may kasamang pagmamahal.

Noong una, ayaw ng aking tatay na mag-alaga ng aso. Gawa na rin nga mga masasakit na karanasan. Subalit di nagtagal naging malapit din ang loob ng aking mga magulang at kapatid sa kanya. Daig pa namin ang nagkaroon ng bagong kapatid. Itinuring namin siya na parang isang tao. Pinapaliguan gamit ang shampoo at sabon pati na rin ang pag tootbrush. Kasabay sa oras ng pagkain at katabi sa pagtulog. Sa ganong pamamaraan nasanay din siya at unti-unting nabuksan ang isip.

Iba si Kiko kung ihahalintulad mo sa ibang aso. Matalino at marunong umunawa. Ilan sa kanyang mga katangian ay ang pagmostra pag siya ay kailangang mag wiwi at mag puhpuh. Nangangalabit pag gustong lumabas at maglibot. Isang kahol kapag siya ay nauuhaw. Isang paswit lang at alam na nya na kailangan na niyang tumugil sa kanyang pangungulit. Malambing din siya tulad ng isang bata. Kailangan mong suyuin pag may topak. Gustong-gusto niya ang sinusubuan sa oras ng pagkain. Mahilig din siya sa chocolates. At ang isa pa niyang bisyo kailangan pag umalis kami ng bahay dapat may pasalubong ka sa kanya pagdating. Pag wala asahan mo na ang kanyang pagtatampo. Sa oras ng pagtulog siya mamimili kung kanino niya gusto tumabi. Mahilig makisiksik sa higaan at pag natulog parang tao. Mas malakas pa siya maghilik kesa sa tatay ko.

Tulad ng isang bata, madalas galit din siya sa mga kalaro niya. Ayaw niya ng inaasar ng ibang bata. Pag nagalit kami sa kanya alam niya kung pano manuyo. Lalapitan ka niya at kiskiskis ng kikiskis. Ang nakakatuwa pa, alam din nya kung sino ang mga di namin close na kapit-bahay. Masinop din siya pag dating sa pagkain. Ugali niya ang maghanap ng buto at ibabaon sa lupa. Mga ilang araw bago niya ito kainin.

Pitong minuto, pitong oras, pitong araw, pitong lingo at pitong taon. Pito-pito kung tawagin. Sabi nga nila ang aso daw ay pito-pito. Kapag ikaw’y nakagat, asahan mo ang epekto ng kanyang kamandag. At ang bilang daw ng edad ng aso ay pitong taon katumbas ng isang taon sa edad ng tao. Subalit sadya nga bang totoo? Maari, si Kiko ay inabot ng Pitong taon.

Tunay ngang nakakahanga ang katalinuhan at angking kagalingan ni Kiko. Isang mabait na kapatid…isang tunay na kaibigan…at isang tunay na kasangga.

Tulad ng isang tao, ang kanilang buhay ay hiram lamang. Sa takdang panahon, kailangan rin magpaalam. Masakit man isipin pero kailangang tanggapin. Ang iyong paglisan ay bumalot ng matinding kalungkutan sa puso namin. Pabaon namin sayo ang aming pagmamahal at mananatili ka sa aming ala-ala. Ikaw na nag-iisang KIKO ay walang katulad. Maraming Salamat. Mahal ka namin.



KIKO
2001 - 2008